Pagsulat ng Kolum (Campus Journalism)
Tips sa pagsulat ng kolum:
"Bumuo at ipahayag ang iyong sariling pananaw."
1. Maghanap ng sarili mong tono.
Ang isang tagasulat ng kolum ay dapat magkaroon ng isang malinaw na kahulugan at kanyang sariling tono. Ang tunog ay maaaring nakakatawa o madilim.
- Upang mahanap ang iyong sariling tono, maaari kang magbasa ng mga artikulo sa pahayagan na nagbibigay lamang ng mga katotohanan at pagkatapos ay malayang sumulat ng sagot sa kanila. Gawin ito sa lima o anim na artikulo, at pagkatapos ay i-log kung paano ka tumugon. Marahil ay palagi kang gumagamit ng sarkastikong tono, o palagi kang optimistiko.
2. Magkaroon ng sariling opinyon.
Ang pagkakaiba sa pagitan ng isang column at isang artikulo ay ang isang opinyon ay nakasaad sa isang column, habang ang artikulo ay naglalahad ng mga katotohanan nang may layunin. Kapag bumuo ka ng isang opinyon, mas madali para sa iyo na makahanap ng iyong sariling tono.
- Ang isang mahusay na paraan upang subukan ang iyong opinyon ay tanungin ang iyong sarili, "May magpapakita ba ng malakas na reaksyon sa aking artikulo?" Kung gayon, matagumpay kang nakabuo ng opinyon. Kung ang iyong saloobin ay hindi nagbubunga ng anumang reaksyon, ang iyong haligi ay malamang na masyadong neutral.
- Tiyaking i-back up ang iyong opinyon gamit ang sinaliksik na ebidensya. Kaya maaari mong kumbinsihin ang mambabasa na sundin ang iyong opinyon.
3. Magbahagi ng mga personal na karanasan.
Upang bumuo ng iyong sariling tono at saloobin, ito ay kapaki-pakinabang upang gumuhit sa iyong mga personal na karanasan. Sumulat tungkol sa mga anekdota sa iyong buhay. Sa ganitong paraan, hindi lamang nakakakuha ng koneksyon sa iyo ang iyong mambabasa, nagiging mas kapani-paniwala ka rin.
- Kung ikaw ay nasa isang sitwasyon kung saan ang mga inireresetang gamot ay nagdulot sa iyo ng pinansiyal na pangangailangan, ilarawan ang isang anekdota mula sa iyong buhay bago ilarawan ang iyong malinaw na pagtingin sa mataas na gastos sa medikal para sa mga nakatatanda.
4. Isulat sa unang tao.
Dahil ang isang column ay batay sa iyong opinyon, gawing malinaw ang iyong boses gamit ang "ako". Sa ganitong paraan, nairehistro ng mambabasa ang iyong patuloy na presensya at nilinaw mo kung anong opinyon ang iyong kinukuha.
- Sa halip na isulat: "Ang tirahan ng mga kabayong puro lahi ay kadalasang hindi nakakatugon sa mga pamantayan.", Ginagawang mas kaakit-akit ang pahayag mula sa unang tao: "Ang tirahan ng mga kabayong puro lahi, na nakita ko bilang isang tagapagsanay, ay hindi regular na nakakatugon sa mga pangangailangan ng mga hayop. At ito ay nakakaapekto sa kanilang pagganap at kagalingan."
Halimbawa ng Kolum:
ni V.A.
HINDI na dapat ikagulat pa kung bakit napawalang-sala sa CA (Court of Appeals) ang marinong Amerikanong si Daniel Smith at walang kaabug-abog na nakauwi na sa Estados Unidos ng Amerika. Sa RTC (Regional Trial Court) ng Makati, puspusang nilitis si Smith ni Hukom Benjamin Pozon sa kasong panggagahasa sa isang Suzette “Nicole” Nicolas na nangyari noong malibog na gabi ng 2005. Napatunayan siyang nagkasala at nasentensiyahang mabilanggo ng mga 40 taon.
Habang nakaapela sa CA ang kanyang kaso, mga dalawang taon nga siyang ikinulong noon sa Embahada ng Amerika dito na, maliwanag, hindi sakop ng mga batas at hurisdiksiyon ng Pilipinas. Matapos magdesisyon ang Korte Suprema na dapat nang ilipat ng kulungan si Smith sa sakop ng teritoryo ng bansa — halimbawa’y sa Pambansang Bilangguan sa Muntinlupa — hindi naman iyon naipatupad kahit isang minuto dahil kailangan pa diumanong “linawin” ang ilang teknikalidad sa mga probisyon ng nakasusukang VFA (Visiting Forces Agreement) na sumalaula na naman sa soberanya o kasarinlan ng bansa. Sadyang binimbin ang pagpapatupad ng naturang kautusan, ibinitin at pinatawing-tawing sa hangin kaya, sa wakas, namaniobra o nasalamangka ng makapangyarihang mga kamay ang lahat-lahat at nagmukhang tanga ang Republikang Mamon.
Maaalaala, kahit parang dumaraan sa butas ng karayom ang sinumang aplikante para mapagkalooban ng visa sa Embahada ng Amerika dito, biglang-bigla na lamang pumutok ang balitang nasa Amerika na si Nicole, kasama ang Nanay, upang doon na magsimula ng panibagong buhay matapos ang madamdamin niyang pagsasalaysay noon kung paano nilaspag ni Smith ang kanyang puri. Pagkatapos, bigla rin ang ipinalabas niyang bagong pahayag na hindi na niya tiyak kung ginahasa nga siya o hindi ni Smith dahil “lasing na lasing” siya noong gabing iyon. Maliwanag, ang nabaligtad na pahayag ni Nicole ang isa sa mga matibay na batayan ng tatlong babaing mahistrado ng CA — bukod sa iba pa marahil na mahiwagang mga kadahilanan, kasama diumano ang konsensiya — kaya, sa wakas, mabilis pa sa alas kuwatrong napawalang-sala si Smith at parang ipu-ipong nakauwi agad sa Amerika.
Dumaan, diumano, sa tamang proseso ang lahat, ayon kay Embahador Kristie Anne Kenny, at gayundin ang opinyon ng ilang opisyal ng pamahalaan natin, lalo na si Sekretaryo Raul Gonzalez ng Katarungan kaya, sabi nila, walang dapat hinalaing iregularidad o hokus pokus sa mga bagay na ito. “Tell it to the marines,” sabi nga sa wika ng mga Yankee. Sa paniniwala ng mga mulat at progresibo, diniktahan ng mga diyus-diyosan sa Washington ang diyosa ng Malakanyang para aregluhin ang lahat pabor kay Smith.
Batay sa kasaysayan ng Republikang Mamon, matagal nang nangangayupapa at tagahimod ng pundilyo ng imperyalistang mga patakaran ng Amerika ang walang gulugod na pambansang liderato ng Pilipinas. Mula pa sa panahon ng mga Quezon, Roxas at Osmena, hanggang sa mga rehimen ng mga Marcos, Aquino, Ramos, Erap at La Gloria, maliwanag na papet lamang o manyikang de susi ni Uncle Sam ang mga naging presidente ng Republika (basahin ang aklat na “In Our Image” ni Stanley Karnow) kaya kalimitang ibinebenta ang pambansang kapakanan at labis na nasasalaula ang tunay na kasarinlan o soberanya maisulong lamang ng mga kinauukulan ang makasarili’t nakasusugapang mga interes na pampulitika.
Kailan nga ba naipatupad ang mga batas ng Pilipinas laban sa mga nagkakasalang sundalong Amerikano sa sakop ng teritoryo nito? Nang namamayagpag sa bansa ang mga base militar ng Amerika dito — sa Sangley Point sa Kabite, sa Clark Field sa Pampanga, sa Subic Bay sa Olongapo — itinambak lamang sa kangkungan ang maraming kasong kinasangkutan ng mga marinong Amerikanong kagaya ni Daniel Smith. Walang kaluskos na nakalayas agad ng Pilipinas ang mga kinauukulan at lumitaw na lamang, nang malaon, na nagkakamot na ng bayag sa Estados Unidos ng Amerika.
Sariwa pa sa alaala, noong mga huling taon ng dekada ’60,
isang mala-pistolerong marinong Amerikanong tumutugon naman sa pangalang Kenneth Smith ang hindi napitik man lamang sa ilong ng batas ng Pilipinas at agad na pinawalang-sala ng mga awtoridad na Amerikano kaugnay ng pagkakapatay sa isang pobreng Pilipinong limpiya bota na nagnanakaw diumano ng bisikleta. Ang biktima, si Rogelio Gonzales, ay basta na lamang binaril at napatay ni Smith sa tarangkahan ng Sangley Point. Bisikleta lamang ng Amerika ang katumbas ng kanyang buhay nang basta na lamang ibinasura ang naturang kaso.
isang mala-pistolerong marinong Amerikanong tumutugon naman sa pangalang Kenneth Smith ang hindi napitik man lamang sa ilong ng batas ng Pilipinas at agad na pinawalang-sala ng mga awtoridad na Amerikano kaugnay ng pagkakapatay sa isang pobreng Pilipinong limpiya bota na nagnanakaw diumano ng bisikleta. Ang biktima, si Rogelio Gonzales, ay basta na lamang binaril at napatay ni Smith sa tarangkahan ng Sangley Point. Bisikleta lamang ng Amerika ang katumbas ng kanyang buhay nang basta na lamang ibinasura ang naturang kaso.
Noong 1970 naman, iba’t ibang makahayop na kalupitan ang dinanas ng ilang manggagawang Pilipino sa Clark Field, Pampanga sa kamay ng binansagang Holman’s Gestapo Unit — si Col. Averill Holman ang siyang kumander ng naturang base militar na nahaharap noon sa kasong desakato sa Hukumang Unang Dulugan ng Lungsod ng Angeles kaugnay ng kaso namang tangkang pangingidnap at panggagahasa ng apat niyang sundalong sina Ronald McDaniel, Cecil Moore, Bernard Williams at Hiawatha R. Lane. Ibinaon na rin lamang sa limot ang nasabing mga kaso.
Hindi kaya paulit-ulit na mangyari, o nangyayari na, ang nabanggit na mga halimbawa ng pag-abuso’t kalupitan ng mga sundalong Amerikano sa ilalim naman ngayon ng dapat nang ibasurang VFA? O mananatili lamang mga gulugod-dikya ang pambansang liderato at hahayaan na lamang manatiling ang bansa’y isang Republikang Mamon sa mata ni Uncle Sam na puwedeng basta na lamang salaulain ang mga batas at lamutakin ang soberanya o kasarinlan nito?
Sabi nga, huwag mong asahan na maisusulong ang pambansang kapakanan — pangkultura man, pang-ekonomiya man o pampulitika — hanggang nakatali sa imperyalistang mga patakaran ng Estados Unidos ng Amerika ang nagpapanggap na makabayang mga lider ng Republikang Mamon.#
Comments
Post a Comment